1 Ginawa nina Bezalel ang Kahon ng Kasunduan. Kahoy ng akasya ang ginamit nila. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito.
2 Binalutan ito ng purong ginto sa loob at labas, at nilagyan ng hinulmang ginto ang mga palibot nito.
3 Ginawaan din nila ito ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa nito.
4 Gumawa sila ng tukod na akasya na binalutan ng ginto.
5 Ikinabit nila ang mga argolya sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.
6 Ginawaan din nila ang Kahon ng takip na purong ginto. May 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad.
7-8 Gumawa rin sila ng dalawang gintong kerubin, at inilagay sa bawat dulo ng takip ng Kahon.
9 Nakalukob ang mga pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito. Magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip.
10 Gumawa rin sila ng mesang akasya na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at 27 pulgada ang taas.
11 Binalutan ito ng purong ginto at nilagyan ng hinulmang ginto ang palibot nito.
12 Nilagyan din nila ng sinepa ang bawat gilid. Mga apat na pulgada ang lapad at nilagyan din nila ng hinulmang ginto ang sinepa.
13 Pagkatapos, gumawa sila ng apat na argolyang ginto, at ikinabit ito sa apat na paa ng mesa,
14 malapit sa sinepa. Dito nila isinuksok ang mga tukod na pambuhat sa mesa.
15 Gawa sa akasya ang mga tukod na ito at nababalot ng ginto.
16 Gumawa rin sila ng mga kagamitang purong ginto para sa mesa: pinggan, tasa, mangkok at banga na gagamitin para sa mga handog na inumin.
17 Gumawa rin sila ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan, at palamuting hugis bulaklak na ang ibaʼy buko pa lang at ang iba naman ay nakabuka na. Ang palamuti ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw.
18 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid.
19 Ang bawat sanga ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang iba ay buko pa at ang iba naman ay nakabuka na.
20 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang iba naman ay nakabuka na.
21 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga.
22 Ang mga palamuti at ang mga sanga ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw.
23 Gumawa rin sila ng pitong ilaw, mga panggupit ng mitsa nito, at mga pansahod sa upos ng mitsa ng ilaw. Purong ginto ang lahat ng ito.
24 Ang nagamit sa paggawa ng lalagyan ng ilaw at ng lahat ng kagamitan nito ay 35 kilong purong ginto.
25 Gumawa rin sila ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kwadrado ito, 18 pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at mga tatlong talampakan ang taas. May parang sungay ito sa mga sulok na kasama nang ginawa nang gawin ang altar.
26 Nilagyan nila ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid at ang parang sungay sa mga sulok at hinulmang ginto sa palibot.
27 Nilagyan nila ng dalawang argolyang ginto ang ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito.
28 Ang tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto.
29 Gumawa rin sila ng banal na langis na pamahid at purong insenso na napakabango.