1 Umawit si Moises at ang mga Israelita ng awit sa Panginoon:“Aawitan ko ang Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.
2 Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas,at siya ang aking awit.Siya ang nagligtas sa akin.Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya.Siya ang Dios ng aking ama, at itataas ko siya.
3 Panginoon ang kanyang pangalan, isa siyang mandirigma.
4 Itinapon niya sa dagat ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon.Nalunod ang pinakamagagaling na opisyal ng Faraon sa Dagat na Pula.
5 Nalunod sila sa malalim na tubig;lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.
6 “Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon;sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.
7 Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.
8 Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;natuyo ang malalim na dagat.
9 Sinabi ng nagyayabang na kaaway,‘Hahabulin ko sila at huhulihin;paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan at bubusugin ko nito ang aking sarili.Bubunutin ko ang aking espada at lilipulin sila.’
10 Pero sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.
11 O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo?Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!
12 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 “Sa pamamagitan ng walang tigil nʼyong pagmamahal, gagabayan nʼyo ang inyong mga iniligtas.Sa pamamagitan ng inyong lakas, gagabayan nʼyo sila sa banal nʼyong tahanan.
14 Maririnig ito ng mga bansa at manginginig sila sa takot.Lubhang matatakot ang mga Filisteo.
15 Ang mga pinuno ng Edom at Moab ay manginginig sa takot,at ang mga pinuno ng Canaan ay hihimatayin sa takot.
16 “Tunay na matatakot sila.Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, silaʼy magiging parang bato na hindi nakakakilos,hanggang sa makadaan ang inyong mga mamamayan na inyong iniligtas, O Panginoon.
17 Dadalhin nʼyo ang mga mamamayan ninyo sa inyong lupain,at ilalagay nʼyo sila sa bundok na pagmamay-ari ninyo –ang lugar na ginawa nʼyong tahanan, O Panginoon,ang templong kayo mismo ang gumawa.
18 Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”
19 Tinabunan ng Panginoon ng tubig ang mga kabayo, mga karwahe at mga mangangabayo ng Faraon matapos na makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20 Kumuha ng tamburin si Miriam na propeta at kapatid ni Aaron, at pinangunahan niya ang mga babae sa pagtugtog ng tamburin at pagsayaw.
21 Inawit ni Miriam ang awit na ito sa kanila:“Umawit kayo sa Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.”
22 At dinala ni Moises ang mga Israelita mula sa Dagat na Pula papunta sa ilang ng Shur. Sa loob ng tatlong araw, naglakbay sila sa ilang at wala silang nakitang tubig.
23 Nang makarating sila sa Mara, nakakita sila ng tubig, pero hindi nila ito mainom dahil mapait. (Ito ang dahilan kung bakit Mara ang pangalan ng lugar.)
24 Dahil dito, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises, “Ano ang iinumin natin?”
25 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, at ipinakita ng Panginoon sa kanya ang isang putol ng kahoy. Inihagis ito ni Moises sa tubig at nawala ang pait ng tubig.Doon ibinigay ng Panginoon ang tuntunin at kautusang ito para subukin ang katapatan nila sa kanya:
26 “Kung susundin ninyo ako nang buong puso, ang Panginoon na inyong Dios, at gagawa ng mabuti sa aking paningin, at susundin ang aking mga kautusan at tuntunin, hindi ko kayo padadalhan ng mga karamdaman gaya ng ipinadala ko sa mga Egipcio, dahil ako ang Panginoon, ang nagpapagaling sa inyo.”
27 Dumating sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma, at nagkampo sila malapit sa tubig.