1 May isang tao mula sa lahi ni Levi na nakapag-asawa ng isang babae na galing din sa lahi ni Levi.
2 Hindi nagtagal, nagbuntis ang babae at nanganak ng isang lalaki. Nang makita niyang malusog ang sanggol, itinago niya ito sa loob ng tatlong buwan.
3 Pero nang hindi na niya maitago ang sanggol, kumuha siya ng basket na gawa sa halaman na papyrus at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, inilagay niya ang sanggol sa basket at pinalutang sa tubig sa tabi ng matataas na damo sa pampang ng Ilog ng Nilo.
4 Nakatayo naman sa di-kalayuan ang kapatid na babae ng sanggol para tingnan kung ano ang mangyayari rito.
5 Ngayon, lumusong ang anak na babae ng Faraon sa Ilog ng Nilo para maligo. Habang naliligo ang prinsesa, ang mga utusang babae naman niya ay naglalakad-lakad sa pampang. Nakita ng prinsesa ang basket sa matataas na damo kaya ipinakuha niya ito sa isa sa kanyang mga utusan.
6 Binuksan niya ang basket at nakita ang umiiyak na sanggol, kaya naawa siya rito. Sinabi niya, “Isa ito sa mga sanggol ng mga Hebreo.”
7 Pagkatapos, lumapit ang kapatid na babae ng sanggol sa prinsesa at nagtanong, “Gusto nʼyo po bang ikuha ko kayo ng isang babaeng Hebreo na magpapasuso at mag-aalaga sa sanggol para sa inyo?”
8 Sumagot ang prinsesa, “Sige.” Kaya umalis ang kapatid ng sanggol at pinuntahan ang kanilang ina at dinala sa prinsesa.
9 Sinabi ng prinsesa sa ina ng bata, “Dalhin mo ang sanggol na ito at pasusuhin para sa akin. Alagaan mo siya at babayaran kita.” Kaya kinuha niya ang sanggol at inalagaan.
10 Nang lumaki na ang sanggol, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa at itinuring siya ng prinsesa bilang tunay niyang anak. Pinangalanan ng prinsesa ang bata na Moises, dahil sinabi niya, “Kinuha ko siya sa tubig.”
11 Isang araw, nang binata na si Moises, pumunta siya sa mga kadugo niya at nakita niya kung paano sila pinapahirapan. Nakita niya ang isang Egipcio na hinahagupit ang isang Hebreo na kadugo niya.
12 Luminga-linga si Moises sa paligid kung may nakatingin. At nang wala siyang nakita, pinatay niya ang Egipcio at ibinaon ang bangkay sa buhangin.
13 Kinabukasan, bumalik siya at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo hinahagupit ang kapwa mo Hebreo?”
14 Sumagot ang lalaki, “Sino ang naglagay sa iyo para maging pinuno at hukom namin? Papatayin mo rin ba ako katulad ng ginawa mo sa Egipcio kahapon?” Natakot si Moises at sinabi sa kanyang sarili, “May nakakaalam pala ng ginawa ko.”
15 Nang malaman ng Faraon ang ginawa ni Moises, tinangka niya itong patayin, pero tumakas si Moises papuntang Midian para roon manirahan. Pagdating niya sa Midian, naupo siya sa gilid ng balon.
16 Ngayon, dumating naman ang pitong anak na babae ng pari ng Midian para umigib at painumoin ang mga alagang hayop ng kanilang ama.
17 May dumating doon na mga pastol at pinapaalis nila ang mga babae at ang kanilang mga hayop, pero tinulungan ni Moises ang mga babaeng anak ng pari at pinainom pa niya ang mga alaga nilang hayop.
18 Pag-uwi ng mga babae sa ama nilang si Reuel, tinanong niya sila, “Bakit parang napaaga ang pag-uwi nʼyo?”
19 Sumagot sila, “May isang Egipcio po na tumulong sa amin laban sa mga pastol. Ipinag-igib niya kami ng tubig at pinainom ang aming mga hayop.”
20 Nagtanong ang kanilang ama, “Nasaan na siya? Bakit ninyo siya iniwan? Tawagin ninyo siya at anyayahang kumain.”
21 Tinanggap ni Moises ang paanyaya, at pumayag siyang doon na tumira sa bahay ni Reuel. Nang magtagal, ipinakasal ni Reuel ang anak niyang si Zipora kay Moises
22 Nagbuntis si Zipora at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Moises na Gershom, dahil sinabi niya, “Dayuhan ako sa lupaing ito.”
23 Pagkalipas ng maraming taon, namatay ang hari ng Egipto. Pero patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Israelita sa kanilang pagkaalipin. Humingi sila ng tulong at umabot sa Dios ang kanilang hinaing.
24 Narinig ng Dios ang kanilang hinaing, at inalala niya ang kanyang kasunduan kina Abraham, Isaac, at Jacob.
25 Nakita ng Dios ang kalagayan nila at naawa ang Dios sa kanila.