1 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda.
3 Pinuspos ko siya ng aking Espiritu para bigyan siya ng kapangyarihan na magkaroon ng karunungan at kakayahan sa anumang gawain:
4 sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso,
5 sa paghuhugis ng mamahaling mga bato, sa paglililok ng kahoy at lahat ng klase na gawang kamay.
6 Pinili ko rin si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan, para tumulong kay Bezalel. Binigyan ko rin siya ng kakayahan sa anumang gawain para magawa nila ang lahat ng iniutos kong gawin mo:
7 ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan at ang takip nito, at ang lahat ng kagamitan sa Tolda –
8 ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso,
9 ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito,
10 ang banal at magandang damit ni Aaron at ng mga anak niya na isusuot nila kapag naglilingkod na sila bilang mga pari,
11 ang langis na pamahid at ang mabangong insenso para sa Banal na Lugar. Gagawin nila itong lahat ayon sa iniutos ko sa iyo.”
12 Iniutos ng Dios kay Moises
13 na sabihin niya ito sa mga Israelita, “Sundin ninyo ang aking ipinag-uutos tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na ako ang Panginoon na pumili sa inyo na maging mga mamamayan ko.
14 Dapat ninyong sundin ang ipinag-uutos ko tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil banal ang araw na ito para sa inyo. Ang sinumang lalabag sa ipinag-uutos ko sa araw na iyon ay dapat patayin. Ang sinumang gagawa sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
15 Gawin ninyo ang mga gawain nʼyo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sapagkat banal ang araw na ito para sa akin, papatayin ang sinumang gagawa sa araw na ito.
16-17 Kaya kayong mga Israelita, dapat ninyong sundin magpakailanman ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ito ang walang hanggang tanda ng walang katapusang kasunduan natin. Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang mundo, at sa ikapitong araw ay nagpahinga ako.”
18 Pagkatapos ng pakikipag-usap ng Panginoon kay Moises sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya kay Moises ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng kanyang mga utos, na siya mismo ang sumulat.