15 Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel.
16 Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo para sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.
17 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo ng araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Egipto. Ipagdiwang ninyo ito magpakailanman bilang tuntunin na dapat sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
18 Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ika-14 na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ika-21 araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.
19 Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, katutubo na Israelita man o hindi ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel.
20 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa panahon ng pista, saan man kayo nakatira.”
21 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.