24 “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman.
25 Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo.
26 Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito,
27 ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.” Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon.
28 At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.
29 Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop.
30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.