33 Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!”
34 Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan.
35 Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit.
36 Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.
37 Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata.
38 Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop.
39 Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.