7 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw, at wala dapat makikitang pampaalsa sa inyo o kahit saan sa lugar ninyo.
8 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, ipaliwanag nʼyo sa inyong mga anak na ginagawa ninyo ito para ipagdiwang ang ginawa ng Panginoon nang inilabas niya kayo sa Egipto.
9 Ang pistang itoʼy katulad ng isang tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalaala sa inyo na dapat ninyong sabihin sa iba ang mga utos ng Panginoon, dahil inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
10 Kaya ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa itinakdang panahon bawat taon.
11 “Kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo,
12 italaga nʼyo sa Panginoon ang inyong mga panganay na lalaki at pati na rin ang panganay ng inyong mga hayop, dahil pag-aari ito ng Panginoon.
13 Maaaring tubusin sa Panginoon ang mga panganay ng mga asno sa pamamagitan ng pagpapalit nito ng tupa. Pero kung hindi ninyo ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong tubusin ang inyong mga panganay na lalaki.