25 Sinabi ni Moises sa kanila, “Kainin nʼyo iyan ngayon, dahil ngayon ang Araw ng Pamamahinga para sa Panginoon. Wala kayong makikita niyan ngayon.
26 Makakakuha kayo ng pagkaing ito sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sa araw na iyon, wala kayong makukuhang pagkain.”
27 May mga tao pa ring lumabas para manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita.
28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at katuruan?
29 Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Dapat manatili sa bahay niya ang bawat isa sa ikapitong araw. Walang lalabas para kumuha ng pagkain.”
30 Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.
31 Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot.