2 “Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Pero sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran.
3 Kung binili nʼyo siya na wala pang asawa at sa katagalan ay nakapag-asawa, siya lang ang lalaya sa ikapitong taon. Pero kung may asawa siya nang bilhin ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya.
4 Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5 “Pero kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya,
6 dadalhin siya ng amo niya sa presensya ng Dios doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman.
7 “Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae para gawing alipin, hindi siya lalaya sa ikapitong taon kagaya ng lalaking alipin.
8 Kung hindi masisiyahan ang amo niyang bumili sa kanya, pwede siyang tubusin ng pamilya niya dahil hindi pananagutan ng amo niya ang responsibilidad sa kanya. Pero hindi siya pwedeng ipagbili ng amo niya sa mga dayuhan.