20 Kaya kinuha ni Moises ang asawa niya at mga anak na lalaki, at pinasakay sa asno at bumalik sa Egipto. Dinala rin niya ang baston na ipinapadala sa kanya ng Panginoon.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang lahat ng himalang ipinapagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin iyan. Pero patitigasin ko ang puso ng hari para hindi niya payagang umalis ang mga Israelita.
22 Pagkatapos, sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ng Panginoon na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki,
23 kaya iniuutos ko sa iyo na payagan mo silang umalis para makasamba sa akin, pero hindi ka pumayag. Kaya papatayin ko ang panganay mong na anak na lalaki!’ ”
24 Nang naglalakbay na sina Moises at ang kanyang pamilya, nagpahinga sila sa isang bahay-pahingahan. Pinuntahan ng Panginoon si Moises at pinagtangkaang patayin.
25-26 Pero kumuha si Zipora ng matalim na bato at tinuli ang kanyang anak, at ang nakuha niyang balat ay idinikit niya sa paa ni Moises. At sinabi ni Zipora, “Ikaw ang duguang asawa ko.” (Ang ibig sabihin ni Zipora ay may kaugnayan sa pagtutuli.) Kaya hindi pinatay ng Panginoon si Moises.
27 Samantala, sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Lumakad ka at salubungin si Moises sa disyerto.” Kaya sinalubong niya si Moises sa Bundok ng Dios at hinagkan bilang pagbati.