6 Sinabi pa ng Panginoon, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat.
7 Sinabi ng Panginoon, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan.
8 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila.
9 Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog ng Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.”
10 Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.”
11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang Panginoon?
12 Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.”