2 Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy.
3 At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.
4 Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne?
5 Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon?
6 Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”
7 Ang manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio.
8 Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis.