1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Ipaghiganti mo muna ang sambayanang Israel sa mga Midianita. Pagkatapos, pamamahingahin na kita sa piling ng iyong mga yumaong ninuno.”
3 Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Humanda kayo sa pakikipagdigma laban sa mga Midianita upang maigawad ang parusa ni Yahweh sa kanila.
4 Bawat lipi ng Israel ay magpadala ng sanlibong kawal.”
5 Nagpadala nga ng tig-iisanlibong kawal ang bawat lipi kaya't nakatipon sila ng 12,000 kalalakihang handang makipagdigma.
6 Pinapunta sila ni Moises sa labanan sa pamumuno ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Dala niya ang mga kagamitan sa santuwaryo at ang mga trumpeta para magbigay-hudyat.
7 Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, nilusob nila ang mga Midianita at pinatay ang lahat ng lalaki
8 kasama ang limang hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba, pati si Balaam na anak ni Beor.
9 Binihag nila ang mga babae at ang mga bata, at sinamsam ang kanilang mga baka, mga kawan at lahat ng ari-arian.
10 Sinunog nila ang mga lunsod at lahat ng mga toldang tinitirhan roon,
11 subalit sinamsam nila ang lahat ng maaaring samsamin, maging tao o hayop man.
12 Lahat ng kanilang nasamsam ay iniuwi nila sa kanilang kampo na nasa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, at tapat ng Jerico. Dinala nila ang mga ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa sambayanang Israel.
13 Ang mga kawal ay sinalubong ni Moises, ng paring si Eleazar, at ng mga pinuno ng Israel sa labas ng kampo.
14 Nagalit si Moises sa mga punong kawal, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa.
15 Sinabi niya, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae?
16 Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ng mga babaing ito? Sila ang humikayat sa mga Israelita na magtaksil kay Yahweh at sumamba kay Baal noong sila'y nasa Peor! Sila ang dahilan kaya nagkaroon ng salot sa sambayanan ni Yahweh.
17 Patayin ninyo ang mga batang lalaki at lahat ng babaing nasipingan na.
18 Itira ninyo ang mga dalaga, at iuwi ninyo.
19 Ngunit huwag muna kayong papasok ng kampo. Pitong araw muna kayo sa labas ng kampo. Lahat ng nakapatay at nakahawak ng patay, pati ang inyong mga bihag ay maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw ayon sa Kautusan.
20 Linisin din ninyo ang inyong mga kasuotan, mga kagamitang yari sa balat, telang lana at kahoy.”
21 Sinabi ni Eleazar sa mga kawal na nanggaling sa labanan, “Ito ang mga patakarang ibinigay ni Yahweh kay Moises:
22-23 ang mga ginto, pilak, tanso, bakal, lata at lahat ng hindi masusunog ay pararaanin sa apoy para luminis. Pagkatapos, huhugasan ito ayon sa Kautusan. Lahat ng maaaring masunog ay lilinisin sa pamamagitan ng tubig ayon sa Kautusan.
24 Sa ikapitong araw, lalabhan ninyo ang inyong mga damit. Pagkatapos, magiging malinis na kayo ayon sa Kautusan at maaari nang pumasok sa kampo.”
25 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
26 “Tawagin mo ang paring si Eleazar at ang matatandang pinuno ng bayan at bilangin ninyo ang mga nasamsam.
27 Pagkatapos, hatiin ninyo; ang isang bahagi ay para sa mga kawal, at ang isa'y para sa taong-bayan.
28 Kunin mo ang isa sa bawat limandaang hayop o taong makakaparte ng mga kawal.
29 Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang handog kay Yahweh.
30 Sa kaparte naman ng bayan, kunin mo ang isa sa bawat limampung tao o hayop, at ibigay mo naman sa mga Levita na nangangalaga sa tabernakulo.”
31 Ginawa nga nina Moises at Eleazar ang ipinag-utos ni Yahweh.
32-35 Ang nasamsam ng mga kawal na Israelita mula sa Midian ay 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno, at 32,000 dalagang birhen.
36-40 Ang kalahati nito'y nauwi sa mga kawal: 337,500 tupa ang napunta sa kanila at ang handog nila kay Yahweh ay 675; ang mga baka naman ay 36,000 at 72 nito ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga asno naman ay 30,500 at 61 ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga babaing nakaparte nila ay 16,000 at ang 32 nito ay inihandog nila kay Yahweh.
41 At tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, lahat ng handog kay Yahweh ay ibinigay niya kay Eleazar.
42-46 Ang kalahati ng samsam na kaparte ng taong-bayan ay 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno, at 16,000 babae.
47 Mula sa kaparteng ito ng bayan, kinuha ni Moises ang isa sa bawat limampung hayop o tao at ibinigay sa mga Levita na siyang nangangalaga sa tabernakulo; ito'y ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
48 Pagkatapos, lumapit kay Moises ang mga pinunong kasama sa labanan.
49 Sinabi nila, “Binilang po namin ang aming mga kasamahan at isa man po'y walang namatay.
50 Dala po namin ang mga gintong alahas na aming nasamsam tulad ng pulseras, singsing, hikaw at kuwintas, upang ihandog kay Yahweh bilang kabayaran sa aming buhay.”
51 Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na yari sa ginto.
52 Nang bilangin nila ang mga ito ay umabot sa 16,750 pirasong ginto.
53 (Hindi ibinigay ng mga pangkaraniwang kawal ang kanilang nasamsam.)
54 Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga pinuno ay dinala nila sa Toldang Tipanan upang magpaalala sa Israel kung ano ang ginawa ni Yahweh.