1 Nang matiyak ni Balaam na talagang gusto ni Yahweh na basbasan niya ang Israel, hindi na siya humanap ng palatandaan tulad ng dati. Tumanaw siya sa ilang
2 at nakita niya ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu ng Diyos
3 at siya'y nagsalita,“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,ang pahayag ng taong may malinaw na paningin.
4 Ang pahayag ng nakikinig sa mga salita ng Diyos,at nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.Kahit nabulagta sa lupa ngunit nanatiling malinaw ang paningin.
5 Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda;kay inam, O Israel, ng iyong mga tirahan.
6 Wari'y napakalawak na libis,parang hardin sa tabi ng batis.Wari'y punongkahoy na mabango, itinanim ni Yahweh,matataas na punong sedar sa tabing mga bukal.
7 Ang tubig ay aapaw sa lahat niyang sisidlan,kapangyarihan niya'y madarama sa lahat ng lugar.Ang hari niya ay magiging mas malakas kaysa kay Agag,at ang kanyang kaharian ay magiging napakalawak.
8 Inilabas siya ng Diyos sa bansang Egipto;ang lakas na ginamit niya'y waring lakas ng toro.Kaaway niya'y lulupigin pati buto'y dudurugin;sa tulis ng kanyang pana, lahat sila'y tutuhugin.
9 Siya'y parang leon sa kanyang higaan,walang mangahas gumambala sa kanyang pagkahimlay.Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala;susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa.”
10 Galit na galit si Balac kay Balaam. Nanggigil siya sa galit at kanyang sinabi, “Ipinatawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway. Ngunit anong ginawa mo? Tatlong beses mo pa silang binasbasan!
11 Mabuti pa'y umuwi ka na! Pararangalan sana kita pero hinadlangan iyon ni Yahweh.”
12 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo
13 na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.”
14 “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.”
15 Muli siyang nagsalita,“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,ang mensahe ng taong may malinaw na paningin.
16 Ang pahayag ng isang taong nakikinig sa salita ng Diyos,ng nakakaalam ng kalooban ng Kataas-taasang Diyos,ng nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.Kahit nabuwal sa lupa'y malinaw pa rin ang aking paningin.
17 Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap,nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap.Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin,sa lahi ni Israel ay may maghahari rin.Mga pinuno ni Moab ay kanyang lilipulin,lahat ng mga anak ni Set ay kanyang pababagsakin.
18 Sasakupin niya ang Edom at ang mga kaaway niya sa Seir,samantala'y patuloy na magwawagi ang bansang Israel.
19 Lulupigin silang lahat nitong bansang Israel,ang natitirang buháy sa mga lunsod ay kanilang uubusin.”
20 Nang makita niya sa pangitain ang Amalek ay ganito ang sinabi niya:“Ang Amalek ay bansang pangunahin,ngunit sa huli, siya ay lilipulin.”
21 Sinabi pa niya nang makita sa pangitain ang mga Cineo:“Tirahan mo ay matibay at matatag.
22 Gayunman, ang bansang Cineo ay parang pugad na nasa mataas.Di magtatagal, bibihagin ka ni Asur.”
23 Nagpatuloy siya sa kanyang pahayag,“Sino'ng maaaring mabuhay kapag ito'y isinagawa ng Diyos?
24 Darating ang mga barko, mula sa Kitimupang kanilang lusubin si Asur at si Eber,ngunit sa bandang huli, siya'y malulupig din.”
25 Pagkatapos, si Balaam ay umuwi na, at ganoon din si Balac.