1 Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito.
2 Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus,
3 ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan.
4 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
5 “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.”
6 Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita.
7 Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon;
8 ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron.
9 Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito.
10 Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar.
11 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.”
84-88 Ito ang kabuuang handog ng mga pinuno ng Israel nang italaga ang altar: Labindalawang malaking platong pilak at labindalawang mangkok na pilak na ang kabuuang timbang lahat-lahat ay 27.6 kilo. Labindalawang platitong ginto na ang kabuuang timbang ay 1320 gramo. Ang mga ito'y puno ng insenso. Labindalawang toro, labindalawang tupang barako, at labindalawang kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama na ang mga handog na pagkaing butil. Ang lahat ng ito'y para sa mga pagkaing handog. Labindalawang kambing bilang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalawampu't apat na toro, animnapung tupang barako, animnapung kambing, animnapung kordero na tig-iisang taóng gulang. Ang lahat ng ito'y bilang mga handog pangkapayapaan.
89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.