1 “Sa unang araw ng ikapitong buwan, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong, at huwag kayong magtatrabaho. Sa araw na iyon ay hipan ninyo ang mga trumpeta.
2 Mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para sa akin. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong walang kapintasang tupa na tig-iisang taon pa lamang.
3 Samahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa toro, isang salop para sa tupa,
4 at kalahating salop para naman sa bawat batang tupa.
5 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng inyong mga kasalanan.
6 Ang mga handog na ito'y bukod pa sa mga handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin sa bagong buwan, at sa araw-araw. Ito'y susunugin ninyo upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh.
7 “Sa ika-10 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong kakain ni magtatrabaho sa araw na iyon.
8 Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tig-iisang taóng tupa na pawang walang kapintasan.
9 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa toro, isang salop naman para sa tupang lalaki
10 at kalahating salop naman para sa bawat tupa.
11 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin.
12 “Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh.
13 Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labing-tatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
14 Sasamahan din ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa
15 at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Sasamahan din ninyo ito ng nakatakdang handog na inumin.
16 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na handog.
17 “Sa ikalawang araw, ang ihahandog ninyo'y labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
18 Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.
19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
20 “Sa ikatlong araw, ang ihahandog ninyo'y labing-isang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
21 Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.
22 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
23 “Sa ikaapat na araw, ang ihahandog ninyo'y sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
24 Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil at inuming gaya ng nakatakda para sa unang araw.
25 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
26 “Sa ikalimang araw, ang ihahandog ninyo'y siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
27 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.
28 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
29 “Sa ikaanim na araw, ang ihahandog ninyo'y walong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
30 Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.
31 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
32 “Sa ikapitong araw, ang ihahandog ninyo'y pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
33 Sasamahan din ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.
34 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
35 “Sa ikawalong araw, magdaos kayo ng banal na pagpupulong at huwag kayong magtatrabaho.
36 Sa araw na iyon, mag-aalay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
37 Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw.
38 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog.
39 “Ang mga nabanggit ay ihahandog ninyo kay Yahweh tuwing ipagdiriwang ang mga takdang pista, bukod sa mga panatang handog, kusang-loob na handog, handog na susunugin, handog na pagkaing butil at inumin, at handog na pangkapayapaan.”
40 Lahat ng ito ay sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ni Yahweh.