1 Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose.
2 Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila,
3 “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki.
4 Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.”
5 Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh,
6 at ganito ang sagot ni Yahweh,
7 “Tama ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak.
8 At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae.
9 Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid.
10 Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo
11 at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita.
13 Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid.
14 Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.)
15 Sinabi ni Moises,
16 “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong
17 mangunguna sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”
18 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay.
19 Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili.
20 Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel.
21 Kay Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.”
22 Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan.
23 Pagkatapos, ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.