1 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
2 “Bilangin at ilista ninyo ang angkan ni Kohat ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan.
3 Ibukod ninyo ang lahat ng maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taon.
4 Sila ang maglilingkod sa mga bagay na ganap na sagrado sa loob ng Toldang Tipanan.
5 “Kung aalis na ang mga Israelita sa lugar na kanilang pinagkakampuhan, si Aaron at ang kanyang mga anak ang magtatanggal sa mga tabing ng Toldang Tipanan at ibabalot ito sa Kaban ng Tipan.
6 Pagkatapos, papatungan ito ng balat ng kambing, at babalutin ng telang asul saka isusuot ang mga pasanan sa mga argolya nito.
7 “Ang mesang lalagyan ng handog na tinapay ay lalatagan naman ng asul na tela, saka ipapatong sa ibabaw nito ang mga plato, mga lalagyan ng insenso, mga mangkok at mga pitsel. Hindi na aalisin ang tinapay na handog na naroroon.
8 Pagkatapos, tatakpan ang lahat ng ito ng pulang tela at ng balat ng kambing, saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan.
9 “Ang ilawan pati ang mga ilaw, pang-ipit, sisidlan ng abo at ang mga sisidlan ng langis ay babalutin din ng telang asul
10 at ng balat ng kambing, kasama ang lahat ng kagamitan at saka ilalagay sa sisidlan.
11 “Ang altar na ginto ay tatakpan din ng asul na tela, at babalutin ng balat ng kambing saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan nito.
12 Ang iba pang kagamitan sa Toldang Tipanan ay babalutin ng telang asul saka tatakpan ng balat ng kambing, at ilalagay sa sisidlan.
13 Ang abo sa altar ay aalisin bago ito takpan ng damit na pula.
14 Pagkatapos, ipapatong dito ang mga kagamitan sa altar tulad ng mga kawali, panusok, pala at palanggana. Tatakpan ito ng balat ng kambing saka isusuot sa argolya ang mga pasanan nito.
15 Kapag ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan dito'y naibalot na nina Aaron at ng kanyang mga anak, ang lahat ng ito'y dadalhin ng mga anak ni Kohat. Ngunit huwag nilang hahawakan ang mga sagradong bagay sapagkat mamamatay ang sinumang humawak sa mga sagradong kagamitang ito.“Ito ang mga tungkulin ng mga anak ni Kohat tuwing ililipat ang Toldang Tipanan.
16 “Si Eleazar na anak ni Aaron ang mangangalaga sa langis para sa ilawan, sa insenso, sa karaniwang handog na pagkaing butil at sa langis na pantalaga. Siya rin ang mamamahala sa buong Toldang Tipanan at sa lahat ng kagamitan dito.”
17 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
18 “Huwag ninyong pababayaang mapahamak ang sambahayan ni Kohat
19 sa paglapit nila sa mga ganap na sagradong kasangkapan. Para hindi sila mamatay, ituturo sa kanila ni Aaron at ng mga anak nito kung ano ang dapat nilang dalhin at kung ano ang dapat nilang gawin.
20 Ngunit huwag na huwag silang papasok upang tingnan kahit sandali lang ang mga sagradong bagay doon sapagkat tiyak na mamamatay sila sa sandaling gawin nila iyon.”
21 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
22 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Gershon ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan,
23 at ilista mo ang lahat ng lalaking maaaring maglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa edad na tatlumpu hanggang limampu.
24 Ito ang tungkuling ibibigay mo sa kanila:
25 Dadalhin nila ang mga balat na asul at ang balat na yari sa balahibo ng kambing, at mga mainam na balat na itinatakip sa Toldang Tipanan, at ang tabing sa pintuan nito;
26 ang mga tali at balat na nakatabing sa bulwagan sa paligid ng tabernakulo at ng altar, ang tabing sa pasukan ng bulwagan, at ang lahat ng kagamitang kasama nito. Sila rin ang gaganap ng lahat ng gawaing kaugnay ng mga bagay na ito.
27 Ang lahat ng gagawin ng sambahayan ni Gershon ay pamamahalaan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ikaw ang magtatakda ng dapat nilang gawin.
28 Ito ang magiging gawain ng mga anak ni Gershon sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron.
29 “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Merari ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan,
30 at ilista mo ang mga lalaking maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga may edad mula sa tatlumpu hanggang limampung taon.
31 Ito naman ang dadalhin nila bilang paglilingkod sa Toldang Tipanan: ang mga haliging pahalang at patayo, mga patungan ng haligi,
32 ang mga haligi ng tabing sa paligid ng bulwagan, pati mga patungan niyon, mga tulos, mga tali at ang lahat ng kagamitang kasama ng mga ito. Sasabihin mo sa kanila kung anu-ano ang kanilang dadalhin.
33 Ito ang tungkulin ng mga anak ni Merari patungkol sa Toldang Tipanan. Gagawin nila ito sa pangangasiwa ni Itamar.”
34 Ang mga anak ni Kohat ay inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel.
35 Ang nailista nila na makakapaglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon,
36 ayon sa kani-kanilang sambahayan ay umabot sa 2,750.
37 Ito ang bilang ng mga anak ni Kohat na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.
38-40 Ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang sambahayan, mula sa tatlumpung taon hanggang limampu, samakatuwid ay lahat ng maaaring makatulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan ay 2,630.
41 Ito ang bilang ng mga anak ni Gershon na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan.
42-44 Ang bilang naman ng mga anak ni Merari, ayon sa kanilang angkan at sambahayan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, lahat ng maaaring makatulong sa gawain sa Toldang Tipanan ay 3,200.
45 Ito ang bilang ng mga anak ni Merari na nailista nina Moises at Aaron ayon sa kani-kanilang sambahayan, bilang pagsunod sa utos ni Yahweh.
46 Inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang
47 makatutulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan, samakatuwid ay may edad na tatlumpu hanggang limampung taon.
48 Ang kabuuang bilang nila'y umabot sa 8,580.
49 Ginawa ito ni Moises ayon sa utos ni Yahweh at sila'y inatasan niya ng kani-kanilang gawain.