1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang pinuno ng bawat lipi ay magbigay sa iyo ng tig-iisang tungkod. Isusulat nila ang kanilang mga pangalan dito.
3 Ang pangalan ni Aaron ang isusulat mo sa tungkod ng lipi ni Levi sapagkat bawat pinuno ng lipi ay dapat magkaroon ng iisa lamang tungkod.
4 Ilalagay mo ang mga tungkod na iyon sa loob ng Toldang Tipanan sa harap ng Kaban ng Tipan, sa lugar kung saan kita kinatatagpo.
5 Ang tungkod ng taong aking pinili ay mamumulaklak. Sa ganoon, matitigil na ang pagrereklamo nila laban sa iyo.”
6 Ganoon nga ang sinabi ni Moises at nagbigay sa kanya ng tungkod ang mga pinuno ng bawat lipi. Labindalawa lahat pati ang tungkod ni Aaron.
7 Ang mga ito'y inilagay ni Moises sa harapan ni Yahweh, sa loob ng Toldang Tipanan.
8 Kinabukasan, nang pumasok sa Toldang Tipanan si Moises, nakita niyang may usbong ang tungkod ni Aaron. Bukod sa usbong, namulaklak pa ito at namunga ng hinog na almendra.
9 Inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita sa mga Israelita. Nakita nila ang nangyari, at kinuha na ng mga pinuno ang kani-kanilang tungkod.
10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibalik mo sa harap ng Kaban ng Tipan ang tungkod ni Aaron upang maging babala sa mga naghihimagsik. Mamamatay sila kung hindi sila titigil ng karereklamo.”
11 Ginawa nga ito ni Moises ayon sa iniutos ni Yahweh.
12 Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mapapahamak kami! Mauubos kaming lahat!
13 Kung mamamatay ang bawat lumapit sa Toldang Tipanan ni Yahweh, mamamatay kaming lahat!”