1 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
2 “Sabihin ninyo sa mga Israelita na pumili ng isang mapula-pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ito'y dadalhin nila sa inyo,
3 at ibibigay naman ninyo kay Eleazar upang patayin sa labas ng kampo habang siya'y nakatingin.
4 Ilulubog ni Eleazar ang kanyang mga daliri sa dugo nito at pitong ulit na wiwisikan ang harap ng Toldang Tipanan.
5 Pagkatapos, ang baka'y susunugin nang buo sa harapan ng pari, pati balat, dugo at dumi.
6 Habang sinusunog ito, ang pari ay kukuha naman ng kahoy na sedar, ng hisopo at lana, at isasama sa bakang sinusunog.
7 Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang kasuotan, maliligo siya, saka papasok sa kampo. Ituturing siyang marumi ayon sa Kautusan hanggang kinagabihan.
8 Ang kasuotan ng katulong sa pagsusunog ng dumalagang baka ay dapat ding labhan. Kailangan din siyang maligo at ituturing din siyang marumi hanggang kinagabihan.
9 Ang abo ng sinunog na baka ay iipunin ng sinumang malinis ayon sa Kautusan. Ilalagay ito sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. Ito ang gagamitin ng mga Israelita sa paghahanda ng tubig na panlinis ayon sa Kautusan, sapagkat ang dumalagang bakang iyon ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
10 Ang kasuotan ng mag-iipon ng abo ay lalabhan at ituturing din siyang marumi hanggang sa kinagabihan. Ang tuntuning ito'y susundin ng lahat habang panahon, para sa mga Israelita at maging sa mga dayuhang naninirahan sa bayan nila.
11 “Sinumang makahawak sa patay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw.
12 Upang maging malinis muli, kailangang linisin niya ang kanyang sarili sa ikatlo at ikapitong araw sa pamamagitan ng tubig na inilaan para dito. Kapag hindi niya ginawa ito, hindi siya magiging malinis.
13 Sinumang humawak ng bangkay at hindi maglinis ng sarili sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay nagpaparumi sa tabernakulo ni Yahweh. Siya'y mananatiling marumi habang panahon, at ititiwalag sa sambayanang Israel.
14 “Ito ang tuntunin kapag may namatay sa loob ng tolda: lahat ng naroroon o sinumang pumasok doon ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw.
15 Pati mga sisidlang walang takip ay ituturing din na marumi.
16 “Lahat namang makahawak ng patay o kalansay sa labas ng tolda, at ang sinumang mapahawak sa libingan ay ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw.
17 “Ang mga itinuturing na marumi dahil sa paghawak sa patay, kalansay o libingan ay kukuha ng abo na galing sa sinunog na handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ilalagay ito sa isang palangganang may sariwang tubig.
18 Pagkatapos, ang isa sa mga itinuturing na malinis ay kukuha ng sanga ng hisopo, ilulubog ito sa tubig at wiwisikan nito ang tolda, ang mga kagamitan dito, at ang lahat ng taong nakahawak ng patay, kalansay o libingan.
19 Sa ikatlo at ikapitong araw, ang itinuturing na marumi ay wiwisikan ng sinumang itinuturing na malinis. Pagkatapos, lalabhan ng itinuturing na marumi ang kanyang kasuotan at siya'y maliligo; sa kinagabihan, ituturing na siyang malinis.
20 “Sinumang itinuturing na marumi ngunit hindi maglinis sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay mananatiling marumi. Ititiwalag siya sa sambayanan sapagkat dinudungisan niya ang santuwaryo ni Yahweh.
21 Ang mga ito'y tuntuning susundin ninyo habang panahon. Lalabhan din ang kasuotan ng sinumang magwisik ng tubig na panlinis. At sinumang makahawak sa tubig na ito ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan.
22 Anumang mahawakan ng taong itinuturing na marumi ay ituturing ding marumi hanggang kinagabihan, gayundin ang sinumang humipo sa bagay na iyon.”