3 Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay.
4 Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon.
5 Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel.
6 Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan.
7 Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.”
8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon.
9 Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan.