1 Nabalitaan ng hari ng Arad, isang haring Cananeo sa timog, na magdaraan sa Atarim ang mga Israelita. Sinalakay niya ang mga ito at nakabihag ng ilan.
2 Kaya ang mga Israelita'y gumawa ng panata kay Yahweh. Sabi nila, “Tulungan ninyo kaming talunin ang mga taong ito at wawasakin namin ang kanilang mga lunsod para sa iyo.”
3 Dininig naman sila ni Yahweh. Kaya, nang mabihag nila ang mga Cananeo ay winasak nga nila ang lunsod ng mga ito, at tinawag nilang Horma ang lugar na iyon.
4 Mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat na Pula upang iwasan ang Edom. Subalit nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay.
5 Nagreklamo sila sa Diyos at kay Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto upang mamatay lamang sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Suyang-suya na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.”
6 Dahil dito, pinadalhan sila ni Yahweh ng mga makamandag na ahas at maraming Israelita ang natuklaw ng mga ito at namatay.