1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang sinuman, babae o lalaki, ay gagawa ng panata at ilalaan niya ang sarili kay Yahweh bilang Nazareo,
3 huwag siyang iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Huwag din siyang iinom ng anumang inuming galing sa katas ng ubas, at huwag kakain ng ubas, o pasas.
4 Sa buong panahon ng kanyang panata ay huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas.
5 “Ang isang may panata ay huwag magpaputol ng buhok sa buong panahon ng kanyang panata; hahayaan niya itong humaba. Siya'y nakalaan para kay Yahweh.