9 “Kung may biglang mamatay sa kanyang tabi at mahawakan niya ito, pagkalipas ng pitong araw ay aahitin niya ang kanyang buhok sapagkat nadungisan siya ayon sa Kautusan.
10 Sa ikawalong araw, magbibigay siya sa pari ng dalawang inakay ng kalapati o batu-bato sa pintuan ng Toldang Tipanan.
11 Ang isa nito ay handog ukol sa kasalanan at ang isa'y handog na susunugin, bilang katubusan sa naging kasalanan niya sa pagkakahawak sa bangkay. Sa araw ring iyon, muli niyang ilalaan sa Diyos ang kanyang buhok.
12 Ito ang pasimula na siya'y muling inilaan kay Yahweh bilang Nazareo. Ang mga araw na nagdaan sa panahon ng panatang iyon ay hindi ibibilang sapagkat nadungisan siya nang makahawak sa patay at mag-aalay siya ng isang kordero na isang taóng gulang bilang handog na pambayad sa kasalanan.
13 “Ito naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan
14 at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan.
15 Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin.