1 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman,
2 “Mga salita mo'y pawang kahangalan,ang sinasabi mo ay parang hangin lang.
3 Ang sinasabi mo'y salita ng isang hangal,di ka maililigtas ng salitang walang saysay.
4 Kung ikaw ang masusunod, wala nang matatakot sa Diyos,at nais mong hadlangan ang sa kanya'y dumudulog.
5 Kasamaan mo'y nahahalata sa iyong mga salita,nais mo pang magtago sa mga salitang may daya.
6 Kaya nga ang humahatol sa iyo ay hindi ako,salita mong binibigkas ang humatol sa iyo.
7 “Akala mo ba'y ikaw ang unang taong isinilang?Nauna ka pa ba sa mga kabundukan?
8 Naroon ka ba nang sabihin ng Diyos ang kanyang plano,o sa palagay mo'y ikaw lang ang may talino?
9 Ano ba ang alam mo na di namin nalalaman?Lahat ng naiintindihan mo'y amin ding nauunawaan.
10 Ang mga may uban sa buhok ay aming kasama,mga taong matatanda pa sa iyong ama.
11 “Inaaliw ka ng Diyos ngunit ayaw mong pansinin,ang banayad naming payo na sa puso nanggagaling.
12 Bakit nagmamatigas pa, ipinipilit ang sarili?Mga mata'y nanlilisik, kapag tinitingnan kami.
13 Bakit ba ang galit mo'y sa Diyos ibinubuntonat sa kanya iniuukol ang salitang walang hinahon?
14 “Sino ba ang walang sala, at malinis na lubos?Sinong isinilang na matuwid sa harap ng Diyos?
15 Kung doon sa mga anghel, tiwala ng Diyos ay di lubusan,kahit silang nasa langit ay mayroon ding pagkukulang.
16 Gaano pa kaya ang taong nasanay sa kasamaan,laging uhaw sa masama at hindi tama.
17 “Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin,ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin.
18 Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo,mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno.
19 Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigayat walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan.
20 “Ang taong mapang-api at punong kasamaan,laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay.
21 Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig,papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik.
22 Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayanpagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang.
23 Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay,alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan.
24 Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan,parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan.
25 “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabangat ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan.
26-27 Ipinagmamalaki pa ang ginagawang pagsuwayat ang palagi niyang hawak ay kanyang kalasag,at ang hangad ay habulin at labanan ang Maykapal.
28 Siya ay nanakop ng maraming bayan,mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam,ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan.
29 Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal,maging ang buhay niya'y madali ring papanaw.
30 Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob,siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog,na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin.
31 Dahil nagtiwala siya sa kahangalan,kahangalan din ang kanyang kabayaran.
32 Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran,tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa.
33 Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas,at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag.
34 Walang matitira sa lahi ng masama,masusunog ang bahay na sa suhol nagmula.
35 Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan,pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.”