1 Ito naman ang tugon ni Job:
2 “Matagal ko nang alam ang mga bagay na iyan,ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal?
3 Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya?Sa sanlibo niyang tanong,walang makakasagot kahit isa.
4 Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay?
5 Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok,sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog.
6 Ang buong lupa ay kanyang niyayanig,at inuuga niya ang saligan ng daigdig.
7 Maaari niyang pigilan ang pagsikat ng araw,pati ang mga bituin sa kalangitan.
8 Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan,kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan.
9 Siya ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10 Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang.
11 Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman.
12 Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang,walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’
13 “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubagsa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab.
14 Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin.
15 Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa,sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa.
16 Kahit bayaan niyang ako'y magsalita,hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga.
17 Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay,kahit wala naman siyang sapat na dahilan.
18 Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin,puro kapaitan ang idinulot niya sa akin.
19 Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin,hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin.
20 Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay,ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan.
21 Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga,wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay.
22 Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi.Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti.
23 Kung ang taong matuwid ay biglang namatay,tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa.
24 Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama,ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya.Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya?
25 “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas.
26 Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito,kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho.
27 Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa,at tatawanan ko na lang ang aking problema,
28 nangangamba ako na inyong ipalagay,na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan.
29 Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa?
30 Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog,
31 matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon.Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit.
32 Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin,kahit umabot sa hukuman ang aming usapin.
33 Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan,upang alitan namin ay kanyang mahatulan.
34 Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin,at huwag na sana niya akong takutin.
35 At ihahayag ko ang nais kong sabihin,sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin.