1 Sinabi ni Zofar na Naamita,
2 “Ang iyong mga sinabi ay hindi ko na nagugustuhankaya hindi ko na mapigilan ang pagsali sa usapan.
3 Ang iyong mga sinabi ay puro panlalait,kaya't tugon ko ngayo'y aking ipababatid.
4 “Hindi mo ba nalalaman na buhat pa sa simula,nang ang tao ay ilagay sa ibabaw ng lupa,
5 ang pagmamataas ng masama ay di nagtatagal,
6 umabot man sa langit ang kanyang katanyagan,at ang kanyang ulo, sa ulap ay umabot man.
7 Ngunit tulad ng alabok, ganap siyang mapaparam;ang hantungan niya'y hindi alam ng sinuman.
8 Siya'y parang panaginip na mawawala, parang pangitain sa gabi,di na muling makikita.
9 Di na siya muli pang makikita ng mga dating kaibigan at kapamilya.
10 Makikisama sa mahihirap ang kanyang mga anak; kayamanang kinamkam, mapapabalik lahat.
11 Ang lakas ng kabataan na dati niyang taglay,kasama niyang mahihimlay sa alabok na hantungan.
12 “Ang lasa ng kasamaan para sa kanya ay matamis,ninanamnam pa sa dila, samantalang nasa bibig.
13 Itong kanyang kasamaan ay hindi niya maiwan;kahit gusto man niyang iluwa ay di niya magagawa.
14 Ngunit nang ito'y lunukin, dumaan sa lalamunan,ubod pala ng pait, lason sa katawan.
15 Kayamanang kinamkam niya, kanya ngayong isusuka;palalabasin nga ng Diyos mula sa kanyang bituka.
16 Ang nilulunok ng taong masama ay tulad ng kamandag,parang tuklaw ng isang ahas na sa kanya ay papatay.
17 Ang mga ilog at batis na siyang dinadaluyanng pulot at gatas ay di na niya mamamasdan.
18 Di rin niya papakinabangan lahat ng pinaghirapan;di niya malalasap ang naipong kayamanan,
19 sapagkat ang mahihirap ay inapi niya,kinamkam ang mga bahay na itinayo ng iba.
20 “Kanyang pagkagahaman ay walang katapusan,walang nakakaligtas sa kanyang kasakiman.
21 Kapag siya'y kumakain, wala siyang itinitira,ngunit ang kasaganaan niya ngayo'y magwawakas na.
22 Sa kanyang kasaganaan, daranas ng kagipitanat siya'y daratnan ng patung-patong na kahirapan.
23 Kumain na siya't magpakabusog!Matinding galit ng Diyos sa kanya'y ibubuhos.
24 Makaligtas man siya sa tabak na bakal,palasong tanso naman ang sa kanya'y magbubuwal.
25 Kapag ito'y itinudla sa apdo niya ay tutusok;kung makita niya ito,manginginig siya sa takot.
26 Matinding kadiliman ang sa kanya'y naghihintay;masusunog siya sa apoy na hindi namamatay.Wala ring matitira sa kanyang pamilya.
27 Ipahahayag ng langit ang kasamaan ng taong ito,laban sa kanya, ang lupa'y magpapatotoo.
28 Ang lahat ng kayamanan niya ay sisirain,sa galit ng Diyos ito ay tatangayin.
29 “Ganito ang sasapitin ng lahat ng masasama,kapasyahan ng Diyos, sa kanila'y itinakda.”