1 “Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
2 Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
3 Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
4 Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
5 Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,inuuod, kumikirot,ang nana ay lumalabas.
6 Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,kay bilis umikot parang sa makina.
7 “Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
8 Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
9 Tulad ng ulap na napapadpad at naglalaho,kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15 Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.
17 “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”