1 Sumagot naman si Job,
2 “Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi,kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi.
3 Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman?Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?
4 “Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo,kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito.Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo,may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo.
5 Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob,mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot.
6 “Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis;kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit.
7 Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhanat nilipol pa niya pati aking sambahayan.
8 Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat,larawan ng mga hirap na aking dinaranas;ito raw ay katunayan ng aking kasalanan.
9 Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin;mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin.
10 Nilalait ako ng mga tao,pinapaligiran at sinasampal ako.
11 Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa.
12 Sa aking pananahimik,ako'y kanyang ginambala,sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana.
13 Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila,sugat ko'y malubhangunit wala pa rin siyang awa.
14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan,para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban.
15 “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa,nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina.
16 Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha,mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga.
17 Wala naman akong ginagawang masama,panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya.
18 “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan,huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan!
19 Ang aking testigo ay nasa langit,siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig.
20 Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak,kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak.
21 “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal,tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan.
22 Pagkat ilang taon na lang itong aking itatagal,ako'y papunta na sa huli kong hantungan.