1 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8 “Sino ang humarang sa agos ng dagat,nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9 Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12 Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13 Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw,upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14 Malinaw na gaya ng tatak sa putik,nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15 Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw,sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.
16 “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan?Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17 May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuanna pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo?Sumagot ka kung alam mo.
19 “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat?
20 Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating,at mula doon sila'y iyong pabalikin?
21 Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya,pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na!
22 “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakanng niyebe at ng yelong ulan?
23 Ang mga ito'y aking inilalaan,sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan.
24 Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw,o sa pinagmumulan ng hanging silangan?
25 “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha?Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa?
26 Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto,kahit na doo'y wala namang nakatirang tao?
27 Sino ang dumidilig sa tigang na lupa,upang dito'y tumubo ang damong sariwa?
28 Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama?
29 Ang yelong malamig, mayroon bang ina?Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila?
30 Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas,nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat.
31 “Ang Pleyades ba'y iyong matatalian,o ang Orion kaya'y iyong makakalagan?
32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin,o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper?
33 Alam mo ba ang mga batas sa langit,ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig?
34 “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusanupang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap,sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36 Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo,at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37 Sinong makakabilang sa ulap na makapal,o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38 Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,upang mapawi ang kanilang gutom?
40 Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?