1 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2 “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
3 Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
4 Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
5 Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
6 kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,tutulungan ka ng Diyos;gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
7 Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.
8 “Alamin mo ang mga nagdaang kasaysayan,itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
9 Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10 Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.
11 “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12 Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13 Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14 Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15 Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.
16 “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17 Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,at sa bawat bato sila'y humahawak.
18 Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19 Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.
20 “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21 Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22 ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”