1 Gulung-gulo ang aking isipan, bilang na ang aking mga araw,hinihintay na ako ng libingan.
2 Pinagmamasdan ko ang sa akin ay lumalait, mga salita nila'y lubhang masasakit.
3 O Diyos, ako'y tapat, kaya sa aki'y magtiwala,ikaw lang ang makapagpapatunay sa aking mga salita.
4 Isip nila'y sinarhan mo upang di makaunawa;laban sa akin, huwag nawa silang magtagumpay.
5 Siyang dahil sa salapi ay nagtataksil sa mga kaibigan,kanyang mga anak ang siyang mawawalan.
6 Ako ngayo'y pinag-uusapan ng buong bayan,pinupuntahan pa upang maduraan lamang.
7 Halos ako'y mabulag dahil sa kalungkutan,kasingnipis ng anino ang buo kong katawan.
8 Mga nagsasabing sila'y tapat sa akin ay nagulat,ang mga walang sala, sa aki'y nanunumbat.
9 Ngunit ang mga matuwid ay lalong naniniwala,at lalo pang nahikayat na sila nga ang tama.
10 Subalit silang lahat, humarap man sa akin,wala akong maituturo na may talinong angkin.
11 “Tapos na ang mga araw ko, bigo ang aking mga plano,ang aking pag-asa'y tuluyan nang naglaho.
12 Sabi nila, ang gabi ay araw na rin,malapit na raw ang liwanag,ngunit alam kong ako'y nasa dilim pa rin.
13 Ang tanging pag-asa ko'y ang daigdig ng mga patay,at sa kadiliman doon ako mahihimlay.
14 Ang hukay ay tatawagin kong ama,at ang mga uod ay ituturing kong mga kapatid at ina.
15 Nasaan nga ang aking pag-asa,sino ang dito ay makakakita?
16 Madadala ko ba ito sa daigdig ng mga patay,sasama ba ito sa alabok na hantungan?”