1 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas.
2 Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua.
3 Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan.
4 Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili.
5 Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay siya.
6 Kaya namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, at ang lahat ng pamilya niya.
7 Nang panahong iyon, may mga Israelitang nakatira sa lambak ng Jezreel. Nang makita nilang nagsitakas ang mga sundalo ng Israel at patay na si Saul pati ang mga anak niya, iniwan nila ang mga bayan nila at nagsitakas din. Kaya pinasok ng mga Filisteo ang mga bayan at tinirhan nila ang mga ito.
8 Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak.
9 Kinuha nila ang mga armas ni Saul at pinutol ang ulo nito. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa kanilang mga dios-diosan at mga kababayan na patay na si Saul.
10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng kanilang mga dios, at isinabit ang ulo niya sa templo ng dios nilang si Dagon.
11 Nabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul.
12 Kaya lumakad ang lahat ng kanilang matatapang na tao at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak, at dinala nila ito sa Jabes. Pagkatapos, inilibing nila ang mga bangkay sa ilalim ng malaking punongkahoy sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.
13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat sa Panginoon. Hindi niya tinupad ang utos ng Panginoon, at dumulog pa siya sa mga espiritista
14 sa halip na humingi siya ng payo sa Panginoon. Kaya pinatay siya ng Panginoon at ibinigay ang kaharian kay David na anak ni Jesse.