1 Nang nakatira na si David sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Natan na propeta. “Narito ako, nakatira sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Panginoon ay nasa tolda lang.”
2 Sumagot si Natan kay David, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.”
3 Pero nang gabing iyon sinabi ng Dios kay Natan,
4 “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko: ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo na aking titirhan.
5 Hindi pa ako nakakatira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto hanggang ngayon. Palipat-lipat ang tinitirhan kong tolda.
6 Sa aking paglipat-lipat kasama ng mga mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinunong inutusan kong mag-alaga sa kanila, kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templong gawa sa kahoy na sedro.’
7 “Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita.
8 Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo.
9 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati,
10 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Tatalunin ko rin ang lahat ng kalaban mo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na patuloy na manggagaling sa iyong angkan ang magiging hari ng Israel.
11 Kapag namatay ka na at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatagin ko ang kaharian niya.
12 Siya ang magpapatayo ng templo para sa akin, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.
13 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Mananatili ang pag-ibig ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mong hari.
14 Pamamahalain ko siya sa aking mga mamamayan at kaharian, at ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.’ ”
15 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.
16 Pagkatapos, pumasok si Haring David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon at nanalangin, “Panginoong Dios, sino po ba ako at ang sambahayan ko para pagpalain nʼyo nang ganito?
17 Ngayon, O Dios, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng sambahayan ko. Itinuring nʼyo ako na parang pinakadakilang tao. O Panginoong Dios,
18 ano pa po ba ang masasabi ko sa pagpaparangal ninyo sa akin? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod.
19 O Panginoon, dahil po sa akin na inyong lingkod at ayon na rin sa inyong kalooban, ginawa nʼyo ang mga dakilang bagay na ito at inihayag ito sa akin.
20 Panginoon, wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo.
21 At wala ring ibang tao na tulad ng inyong mga mamamayang Israelita. Ang bansang ito lamang sa mundo ang inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa kadakilaan at kamangha-manghang ginawa nʼyo nang itinaboy nʼyo ang mga bansa sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan na inilabas nʼyo sa Egipto.
22 Ginawa nʼyong sariling mamamayan ang mga Israelita magpakailanman, at kayo, Panginoon, ang kanilang naging Dios.
23-24 “At ngayon, Panginoon, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa aking pamilya, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang pamilya koʼy magpapatuloy sa paglilingkod sa inyong presensya magpakailanman.
25 Malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito aking Dios, dahil ipinahayag ninyo sa akin na inyong lingkod na magpapatuloy ang aking paghahari sa pamamagitan ng aking angkan.
26 “Panginoon, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo po sa inyong lingkod ang mga magagandang bagay na ito.
27 At ngayon, nalulugod po kayong pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy ito sa presensya nʼyo magpakailanman. Sapagkat kapag nagpapala kayo Panginoon, ang pagpapala ninyoʼy magpakailanman.”