1 Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahash, na hari ng mga Ammonita. At ang anak niya na si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari.
2 Sinabi ni David, “Pakikitaan ko ng kabutihan si Hanun dahil naging mabuti ang ama niya sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita,
3 sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita sa kanilang hari, “Iniisip nʼyo ba na pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para magmanman sa lupain natin at wasakin ito.”
4 Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahit ang balbas nila at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5 Sa ganoong kalagayan, nahihiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.
6 Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David. Kaya nagbayad sila ng 35 toneladang pilak para umupa ng mga karwahe at mga mangangarwahe mula sa Aram Naharaim, Aram Maaca at Zoba.
7 Ang bilang ng mga karwahe at mga mangangarwahe ay 32,000. Sumama rin sa kanila ang hari ng Maaca at ang mga sundalo nito. Nagkampo sila malapit sa Medeba. At naghanda rin ang mga Ammonita at lumabas sa bayan nila para makipaglaban.
8 Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang lahat ng matatapang na sundalo sa pakikipaglaban.
9 Pumwesto ang mga Ammonita sa pakikipaglaban sa may pintuan ng kanilang lungsod, habang ang mga hari na sumama sa kanila ay pumwesto sa kapatagan.
10 Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo.
11 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.
12 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kung makikita mo na parang matatalo kami ng mga Arameo, tulungan ninyo kami, pero kung kayo naman ang parang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo.
13 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
14 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila.
15 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai na kapatid ni Joab, at pumasok sa lungsod nila. Kaya umuwi sina Joab sa Jerusalem.
16 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog ng Eufrates para tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Shofac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila.
18 Pero nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng 7,000 mangangarwahe at 40,000 sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Shofac, ang kumander ng mga sundalo.
19 Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David. Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.