1 Ito ang mga tao na pumunta kay David doon sa Ziklag nang siyaʼy nagtatago kay Saul na anak ni Kish. Kasama sila sa mga tumulong kay David sa labanan.
2 Armado sila ng mga pana at mahuhusay silang pumana at manirador, kanan o kaliwang kamay man. Mga kamag-anak sila ni Saul mula sa lahi ni Benjamin.
3 Pinamumunuan sila nina Ahiezer at Joash na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea. Ito ang mga pangalan nila:sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet,sina Beraca at Jehu na mga taga-Anatot,
4 si Ishmaya na taga-Gibeon, na isa sa mga tanyag na sundalo at isa rin sa matatapang na pinuno ng 30 matatapang na tao,sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad na taga-Gedera,
5 sina Eluzai, Jerimot, Bealia, Shemaria, at Shefatia na taga-Haruf,
6 sina Elkana, Ishia, Azarel, Joezer, at Jashobeam na mga angkan ni Kora,
7 sina Joela at Zebadia na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
8 May mga tao ring mula sa lahi ni Gad ang sumama kay David doon sa matatag na kuta na pinagtataguan niya sa ilang. Matatapang silang sundalo at mahuhusay gumamit ng mga pananggalang at sibat. Kasintapang sila ng mga leon, at kasimbilis ng usa sa kabundukan:
9 si Ezer ang pinuno nila,si Obadias ang pangalawa,si Eliab ang pangatlo,
10 si Mishmana ang pang-apat,si Jeremias ang panglima,
11 si Atai ang pang-anim,si Eliel ang pampito,
12 si Johanan ang pangwalo,si Elzabad ang pangsiyam,
13 si Jeremias ang pangsampu,at si Macbanai ang pang-11.
14 Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng 100 sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng 1,000 sundalo.
15 Tinawid nila ang Ilog ng Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.
16 May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya.
17 Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”
18 Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.
19 May mga tao rin na mula sa lahi ni Manase ang sumama kay David nang pumunta siya sa mga Filisteo para makipaglaban kay Saul. Pero hindi pumayag ang mga Filisteo na sumama si David at ang mga tauhan niya, dahil iniisip nila na baka muling pumanig si David sa amo niyang si Saul. Kaya pagkatapos nilang mag-usap, pinabalik nila si David sa Ziklag.
20 Ito ang mga tao na mula sa lahi ni Manase na sumama kay David sa Ziklag: sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Elihu at Ziletai. Bawat isa sa kanilaʼy pinuno ng 1,000 sundalo sa lahi ni Manase.
21 Tumulong sila kay David sa pakikipaglaban sa mga lumulusob sa kanila, dahil matatapang silang mga mandirigma. Kaya nga naging pinuno sila ng mga sundalo ni David.
22 Sa bawat araw, may mga tao na pumupunta kay David para tumulong, hanggang sa dumami at naging matibay ang kanyang mga sundalo.
23-24 Ito ang bilang ng mga armadong sundalo na pumunta kay David sa Hebron upang tumulong sa kanya na maagaw ang kaharian ni Saul, ayon sa ipinangako ng Panginoon:Mula sa lahi ni Juda: 6,800 sundalo na may mga dalang sibat at pana.
25 Mula sa lahi ni Simeon: 7,100 mahuhusay na sundalo.
26 Mula sa lahi ni Levi: 4,600 sundalo,
27 kabilang na si Jehoyada na pinuno ng pamilya ni Aaron at ang kanyang 3,700 tauhan,
28 at si Zadok na isang matapang at kabataang mandirigma at ang 22 opisyal mula sa kanyang pamilya.
29 Mula sa lahi ni Benjamin na mga kamag-anak ni Saul: 3,000 sundalo. Karamihan sa lahi ni Benjamin ay nanatiling tapat kay Saul.
30 Mula sa lahi ni Efraim: 20,800 matatapang na sundalo at tanyag sa pamilya nila.
31 Mula sa kalahating lahi ni Manase: 18,000 sundalo. Ipinadala sila para tumulong sa pagluklok kay David na maging hari.
32 Mula sa lahi ni Isacar: 200 pinuno kasama ang mga kamag-anak na pinamamahalaan nila. Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel at kung kailan ito gagawin.
33 Mula sa lahi ni Zebulun: 50,000 mahuhusay na sundalo na armado ng ibaʼt ibang armas. Handang-handa silang tumulong at mamatay para kay David.
34 Mula sa lahi ni Naftali: 1,000 opisyal at 37,000 sundalo na may dalang mga pananggalang at sibat.
35 Mula sa lahi ni Dan: 28,600 sundalo na handa sa labanan.
36 Mula sa lahi ni Asher: 40,000 mahuhusay na sundalo na handa sa labanan.
37 At mula sa lahi sa silangan ng Ilog ng Jordan, ang lahi ni Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase: 120,000 sundalo na armado ng ibaʼt ibang uri ng armas.
38 Silang lahat ang sundalo na nagprisinta sa pakikipaglaban. Pumunta sila sa Hebron at nagkaisa silang gawing hari si David sa buong Israel. Sa katunayan, halos lahat ng Israelita ay gustong maging hari si David.
39 Nanatili sila roon ng tatlong araw kasama si David na nagsisikain at nag-iinuman dahil pinadalhan sila ng mga kababayan nila ng pagkain.
40 Nagdala rin ng pagkain ang mga kamag-anak nilang mula pa sa malayong lugar ng Isacar, Zebulun at Naftali. Ikinarga nila ito sa mga asno, kamelyo, mola at baka. Marami ang kanilang harina, igos, mga pinatuyong pasas, katas ng ubas at langis, baka at tupa. Masayang-masaya ang lahat sa Israel.