1 Si Reuben ang panganay na anak ni Israel, pero dahil nakipagtalik siya sa isa sa mga asawa ng kanyang ama, ang karapatan niya bilang panganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose na kanyang kapatid. Kaya hindi siya inilista sa talaan ng lahi nila bilang panganay na anak.
2 Kahit mas makapangyarihan si Juda kaysa sa kanyang mga kapatid at ang pinuno ay nagmula sa kanyang lahi, ang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay kay Jose.
3 Ito ang mga anak na lalaki ni Reuben na panganay ni Israel: sina Hanoc, Pallu, Hezron at Carmi.
4 Ito ang mga angkan ni Joel: sina Shemaya, Gog, Shimei,
5 Micas, Reaya, Baal,
6 at Beera. Si Beera ang pinuno ng lahi ni Reuben nang binihag sila ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria.
7 Ito ang mga kamag-anak ni Beera na naitala sa talaan ng kanilang mga angkan ayon sa kanilang lahi: si Jeyel na pinuno, si Zacarias,
8 at si Bela na anak ni Azaz na anak ni Shema at apo ni Joel. Ito ang lahi ni Reuben na tumira mula sa Aroer hanggang sa Nebo at Baal Meon.
9 At dahil dumami ang kanilang hayop doon sa Gilead, tumira sila hanggang sa silangan, sa tabi ng ilang na papunta sa Ilog ng Eufrates.
10 Nang si Saul pa ang hari, nakipaglaban sila sa mga Hagreo at tinalo nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga tinitirhan ng mga Hagreo sa buong silangan ng Gilead.
11 Tumira ang lahi ni Gad sa lupain ng Bashan na kasunod ng lupain nina Reuben, hanggang sa Saleca.
12 Ito ang lahi ni Gad: si Joel, na siyang pinuno sa Bashan, ang sumunod sa kanya ay si Shafam, pagkatapos ay sina Janai at Shafat.
13 Ang kanilang mga kamag-anak ayon sa bawat pamilya ay sina Micael, Meshulam, Sheba, Jorai, Jacan, Zia at Eber – pito silang lahat.
14 Sila ang mga angkan ni Abihail na anak ni Huri. Si Huri ang anak ni Jaroa at apo ni Gilead, at apo sa tuhod ni Micael. Si Micael ay anak ni Jeshishai at apo ni Jado, at apo sa tuhod ni Buz.
15 Si Ahi na anak ni Abdiel at apo ni Guni ang siyang pinuno ng kanilang pamilya.
16 Tumira sila sa Gilead doon sa Bashan at sa mga baryo sa paligid nito, at sa buong pastulan ng Sharon.
17 Nailista silang lahat sa talaan ng mga angkan noong panahon ng paghahari ni Jotam sa Juda at ni Jeroboam sa Israel.
18 May 44,760 sundalo sa mga lahi nina Reuben, Gad, at sa kalahating lahi ni Manase. Sinanay sila para sa labanan at mahusay silang gumamit ng mga pananggalang, espada at pana.
19 Nakipaglaban sila sa mga Hagreo, Jetureo, Nafiseo, at Nodabeo.
20 Humingi sila ng tulong sa Dios nang nakipaglaban sila, at dahil nagtiwala sila sa kanya, tinugon ng Dios ang panalangin nila. Kaya pinagtagumpay sila ng Dios sa mga Hagreo at sa mga kakampi nito.
21 Pinagkukuha nila ang hayop ng mga Hagreo: 50,000 kamelyo, 250,000 tupa at 2,000 asno. Binihag din nila ang 100,000 tao,
22 at marami silang napatay dahil tinulungan sila ng Dios sa pakikipaglaban. Tinirhan nila ang mga lugar na ito hanggang sa mabihag sila ng ibang bansa.
23 Ang kalahating angkan ni Manase ay napakarami. Tumira sila sa mga lupain mula sa Bashan papunta sa Baal Hermon, Senir, at Bundok ng Hermon. At napakarami nila.
24 Ito ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya: sina Efer, Ishi, Eliel Azriel, Jeremias, Hodavia at Jadiel. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno ng mga pamilya nila.
25 Pero hindi sila naging tapat sa Dios ng kanilang mga ninuno, sa halip sumamba sila sa mga dios ng mga taong nilipol ng Dios sa lupaing iyon.
26 Ito ang dahilan kung bakit niloob ng Dios ng Israel na lusubin sila ni Pul na hari ng Asiria (na siya ring si Tiglat Pileser). Binihag ni Pul ang mga lahi ni Reuben at Gad, pati na ang kalahating lahi ni Manase at dinala sa Hala, Habor, Hara, at sa Ilog ng Gozan, kung saan doon sila naninirahan hanggang ngayon.