1 Pagkatapos, sinabi ni David, “Dito sa lugar na ito itatayo ang templo ng Panginoong Dios at ang altar para sa mga handog na sinusunog ng Israel.”
2 Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan sa Israel. Pumili siya sa kanila ng mga tagatabas ng bato para sa templo ng Dios.
3 Nagbigay si David ng napakaraming bakal para gawing mga pako at bisagra para sa mga pintuan, at maraming tanso na hindi na matimbang sa sobrang bigat.
4 Naghanda rin siya ng napakaraming kahoy na sedro na dinala sa kanya ng mga Sidoneo at Tyreo.
5 Sinabi ni David, “Bata pa ang anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Kailangang ang templo ng Panginoon na itatayo ay napakaganda at magiging tanyag sa buong mundo. Kaya paghahandaan ko ito ngayon pa lang.” Kaya lubusan ang paghahandang ginawa ni David bago siya mamatay.
6 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang anak niyang si Solomon at inutusang ipatayo ang templo para sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
7 Sinabi ni David kay Solomon, “Anak, gusto ko sanang magpatayo ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios.
8 Pero ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.
9 Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon, at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari.
10 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’
11 “Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng templo ng Panginoon na iyong Dios, ayon sa sinabi niya na gawin mo.
12 Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Dios ng karunungan at pang-unawa para matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel.
13 At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay.
14 Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan.
15 Marami kang manggagawa: mga tagatabas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga taong may kakayahan sa anumang gawaing
16 ginto, pilak, tanso at bakal. Ngayon, simulan mo na ang pagpapagawa, at gabayan ka sana ng Panginoon.”
17 Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng pinuno ng Israel para tulungan ang anak niyang si Solomon.
18 Sinabi niya sa kanila, “Kasama nʼyo ang Panginoon na inyong Dios at binigyan niya kayo ng kapayapaan sa mga kalaban ninyo sa paligid. Sapagkat ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito, at ngayon ay sa Panginoon na at tayong mga mamamayan niya ang may sakop sa mga ito.
19 Kaya ngayon, italaga ninyo ang inyong sarili sa Panginoon na inyong Dios, nang buong pusoʼt kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng templo ng Panginoon na inyong Dios para mailagay na ang Kahon ng Kasunduan at ang mga banal na kagamitan ng Dios sa templong ito na itatayo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon.”