16 May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya.
17 Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”
18 Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.
19 May mga tao rin na mula sa lahi ni Manase ang sumama kay David nang pumunta siya sa mga Filisteo para makipaglaban kay Saul. Pero hindi pumayag ang mga Filisteo na sumama si David at ang mga tauhan niya, dahil iniisip nila na baka muling pumanig si David sa amo niyang si Saul. Kaya pagkatapos nilang mag-usap, pinabalik nila si David sa Ziklag.
20 Ito ang mga tao na mula sa lahi ni Manase na sumama kay David sa Ziklag: sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Elihu at Ziletai. Bawat isa sa kanilaʼy pinuno ng 1,000 sundalo sa lahi ni Manase.
21 Tumulong sila kay David sa pakikipaglaban sa mga lumulusob sa kanila, dahil matatapang silang mga mandirigma. Kaya nga naging pinuno sila ng mga sundalo ni David.
22 Sa bawat araw, may mga tao na pumupunta kay David para tumulong, hanggang sa dumami at naging matibay ang kanyang mga sundalo.