1 Kinalaunan, natalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya sa kanila ang Gat at ang mga baryo sa paligid nito.
2 Natalo rin ni David ang mga Moabita, at sinakop niya sila at nagbayad sila ng buwis sa kanya.
3 Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, hanggang doon sa Hamat, noong naglakbay si Hadadezer sa pagsakop sa mga lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates.
4 Naagaw nina David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe, at 20,000 sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe maliban lang sa 100 na itinira nila para gamitin.
5 Nang dumating ang mga Arameo mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito.
6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta.
7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem.