5 Nang dumating ang mga Arameo mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito.
6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta.
7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem.
8 Kinuha rin niya ang maraming tanso sa Teba at Cun, mga bayang sakop ni Hadadezer. Kinalaunan, ang mga tansong ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng malaking sisidlan ng tubig na parang kawa na tinatawag na Dagat, mga haligi, at ng mga kagamitang tanso para gamitin sa templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou, ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Haring Hadadezer ng Zoba,
10 pinapunta niya ang anak niyang si Hadoram kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Hadoram ng mga regalong gawa sa ginto, pilak, at tanso.
11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na naagaw niya mula sa mga sumusunod na bansa – ang Edom, Moab, Ammon, Filistia at Amalek.