13 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
14 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila.
15 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai na kapatid ni Joab, at pumasok sa lungsod nila. Kaya umuwi sina Joab sa Jerusalem.
16 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog ng Eufrates para tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Shofac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila.
18 Pero nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng 7,000 mangangarwahe at 40,000 sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Shofac, ang kumander ng mga sundalo.
19 Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David. Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.