13 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.”
14 Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at 70,000 Israelita ang namatay.
15 At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna na Jebuseo.
16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati.
17 Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”
18 Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon.
19 Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.