8 Pero ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.
9 Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon, at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari.
10 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’
11 “Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng templo ng Panginoon na iyong Dios, ayon sa sinabi niya na gawin mo.
12 Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Dios ng karunungan at pang-unawa para matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel.
13 At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay.
14 Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan.