23 Si Mushi ay may tatlong anak na lalaki na sina Mahli, Eder at Jeremot.
24 Sila ang lahi ni Levi ayon sa mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nakatala ang kani-kanilang mga pangalan. Ang bawat isa sa kanila ay dapat nasa edad na 20 pataas para makapaglingkod sa templo ng Panginoon.
25-26 Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman. Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.”
27 Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad 20 pataas ay itinala para maglingkod.
28 Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa templo ng Dios.
29 Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat ng handog.
30 Tungkulin din nila ang tumayo tuwing umaga at gabi sa templo para magpasalamat at magpuri sa Panginoon.