1 Ipinatawag ni Haring David sa Jerusalem ang lahat ng opisyal ng Israel: Ang mga opisyal ng mga lahi, ang mga kumander ng bawat grupo ng mga sundalo na naglilingkod sa hari, ang iba pang mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, ang mga opisyal na namamahala sa lahat ng ari-arian at mga hayop ng hari at ng kanyang mga anak, ang mga opisyal ng palasyo, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng mahuhusay na sundalo.
2 Nang nagtitipon na sila, tumayo si David at sinabi, “Makinig kayo, aking mga kapatid at tauhan. Gusto ko sanang magpatayo ng templo para paglagyan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na ating Dios, upang magkaroon ng tungtungan ang kanyang mga paa. At nakapagplano na ako para sa pagpapatayo nito.
3 Pero sinabi ng Dios sa akin, ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan dahil isa kang sundalo at marami kang napatay.’
4 Ngunit sa kabila nito, pinili ako ng Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa aming pamilya na maging hari ng Israel magpakailanman. Pinili niya ang lahi ni Juda bilang pinuno ng mga lahi. At mula sa lahing ito, pinili niya ang aking pamilya, at mula sa aking pamilya ikinalugod niya ang pagpili sa akin bilang hari ng buong Israel.
5 Binigyan niya ako ng maraming anak na lalaki, at mula sa kanila, pinili niya si Solomon na maghari sa kanyang kaharian, ang Israel.
6 Sinabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magpapatayo ng aking templo, at ng mga bakuran nito. Sapagkat pinili ko siya na maging aking anak, at akoʼy magiging kanyang ama.