10 Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,“O Panginoon, Dios ng aming ninuno na si Jacob, sa inyo ang kapurihan magpakailanman!
11 Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat!
12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.
13 “Ngayon, O aming Dios, pinasasalamatan namin kayo at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan.
14 Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin.
15 Nalalaman nʼyo, O Panginoon, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.
16 “O Panginoon naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito!