15 Nalalaman nʼyo, O Panginoon, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.
16 “O Panginoon naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito!
17 O aking Dios, alam ko pong sinasaliksik nʼyo ang aming puso at nasisiyahan kayo kapag nakikita nʼyong tapat ito. Kaya tapat at kusang-loob ang pagbibigay ko sa inyo ng mga bagay na ito. At nagagalak po ako dahil nakita kong kahit ang mga mamamayan ninyong narito ay kusang-loob na nagbigay.
18 “O Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, palagi nʼyo po sanang ilagay sa puso ng mga mamamayan ninyo ang naising ito at tulungan nʼyo po sila na maging tapat sa inyo.
19 Tulungan nʼyo rin po ang anak kong si Solomon na lalong maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos, katuruan at mga tuntunin, at sa paggawa ng lahat ng ipinatutupad ninyo tungkol sa pagpapatayo ng templo na aking inihanda.”
20 Pagkatapos, sinabi ni David sa lahat ng tao, “Purihin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios.” Kaya pinuri nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Yumukod sila at nagpatirapa bilang pagpaparangal sa Panginoon at sa kanilang hari.
21 Nang sumunod na araw, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog: 1,000 toro, 1,000 lalaking tupa at 1,000 batang tupa. Nag-alay din sila ng mga handog na inumin at iba pang mga handog para sa mga Israelita.