5 at para naman sa lahat ng mga kagamitan na gagawin ng mga platero. Ngayon, sino ang gustong magbigay para sa Panginoon?”
6 Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari.
7 Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Dios ng 175 toneladang ginto, 10,000 perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal.
8 May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng Panginoon na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon.
9 Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa Panginoon. Labis din ang kagalakan ni Haring David.
10 Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,“O Panginoon, Dios ng aming ninuno na si Jacob, sa inyo ang kapurihan magpakailanman!
11 Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat!